Mga pulis na magpapaputok ng baril, tatanggalin sa serbisyo

by Radyo La Verdad | December 23, 2015 (Wednesday) | 20347

PNP
Hindi magdadalawang isip ang pamunuan ng Philippine National Police na tanggalin sa serbisyo ang sinomang tauhan nito na mahuhuling magpapaputok ng baril ngayong holiday season.

Ito ang sinabi ni PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez bilang babala sa mga pulis na trigger happy.

Iginiit pa ng heneral na hindi dapat ginagawa ng isang law enforcer ang illegal discharge of firearms dahil masama itong halimbawa sa isang inaasahang tagapagpatupad ng batas.

Base sa tala ng PNP, umabot sa walong pulis ang naaresto noong December 2014- hanggang January 2015 dahil sa illegal discharge of firearms.

Mas mataas ito sa limang naitala noong Dec 2013 -Jan.2014.

Gayunman, naniniwala si Gen. Marquez na kung di man tuluyang mawala ay mababawasan na ang pulis na magpapaputok ng baril dahil natuto na ang mga ito.

Noong December 14, nagsagawa na ng muzzle taping ang mga pulis sa Kampo Crame at sa iba’t ibang region sa bansa bilang simbolo ng pagbabawal ng pagpapaputok ng baril o illegal discharge of firearms ngayong holiday season.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , ,