13 Senador posibleng bumoto pabor sa pagbuhay ng death penalty

by Radyo La Verdad | July 25, 2019 (Thursday) | 12715

Aabot sa labintatlong Senador ang posibleng  bumoto pabor sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa. Ito ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senators Bong Go, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Aquilino Pimentel III, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla, Francis Tolentino, Cynthia Villar, Pia Cayetano at Manny Pacquiao.

“Basta death penalty, kahit anong paraan, lethal injection, kahit ano, basta death penalty,” ani Sen. Manny Pacquiao.

Sapat na ang bilang na ito kung tutuusin upang makalusot ang panukala sa mataas na kapulungan ng Kongreso. Subalit may posibilidad na maaaring umatras ang ibang Senador. Dahil magkakaiba ang nais nilang bersyon. Mayorya sa kanila ay nais na limitahan lamang ang death penalty sa high level drug trafficking. Taliwas sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama sa saklaw ng death penalty ang plunder.

Hati din ang pananaw ng mga Senador kung paano isasagawa ang death penalty.

Sampung Senador naman ang nagpahayag na ng pagtutol sa panukala.

Ito ay sina senators Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Leila de Lima, Francis Pangilinan, Juan Miguel Zubiri, Richard Gordon, Grace Poe, Nancy Binay, Ralph Recto at Joel Villanueva.

Si Senator Sonny Angara, wala pang posisyon sa panukala at nais munang pakinggan ang debate.

Sa ibang panukalang batas,  limang Senador ang nagpahayag ng suporta sa pagpapasa ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps bill. Ngunit pagdedebatehan pa dito kung akma nga ito para sa grade 11 at 12.

Sina senators hontiveros at marcos naman ay tutol sa panukala.

“So hindi pwede yan sa mga kabataan, sabi ni Presidente k11 at k12 parang makikusap po ako kontra yan sa mga pinirmahan nating un (United Nations) resolutions,” ani Sen. Imee Marcos.

Sa pagpapasa naman ng panukalang pagpapaliban ng Sangguniang Kabataan at Barangay Elections sa October 2022 mula May 2020.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, posibleng maaprubahan agad ito ng Senado.

“Mukhang lusot na ‘yun talagang i-eextend ‘yun, ‘di ko nakita ang draft bills nila, pero mauuna sa agenda ng local government ‘yun,” sinabi ni Francis Tolentino.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , ,