Bagong taxiway extension makatutulong upang mabawasan ang mga flight delay sa NAIA

by Radyo La Verdad | December 18, 2015 (Friday) | 1493

MON_MABABAWAS
Isa sa mga dahilan ng ground traffic sa airport ay ang kakulangan ng taxi way.

Maihahalintulad ito sa traffic na nararanasan sa Metro Manila lalo na sa Edsa na kung saan, dahil sa kakulangan ng maaayos at maluwag na daan ay nagkakaroon ng mabigat na trapiko.

Sa airport, na ta-traffic rin ang mga eroplano, at dahil sa sobrang laki ng mga ito,mas mangangailan ng malalapad at mas maayos na daanan.

Ito ang problemang hinarap ng Manila International Airport Adminstration o MIAA kung kayat gumawa ito ng paraan upang madagdagan ang dadaanan ng mga eroplano.

Ang taxiway ay ang dinadaanan ng mga eroplano bago makarating sa main runway.

Kaninang umaga, opisyal ng binuksan ang taxiway extension na makatutulong upang mapaluwag ang ground traffic sa NAIA.

Ayon sa Civil Aviation Authority of The Philippines o CAAP, kung mapaluluwag ang ground traffic, maaaring mabawasan rin ang mga flight delay.

Kahit papaano ay makatutulong ang bagong taxiway extension sa problemang ito.

Subalit hindi ito ang ultimong solusyon sa problema ng flight delay dahil sinabi ng MIAA na kailangang makipagtulungan ang mga airline company.

Bukod dito makatutulong rin ang taxiway extension upang mas maging ligtas at episyente ang operasyon ng mga eroplano bago ito lumipad.

Kumpara sa dating taxiway na gawa sa aspalto, ang bagong taxiway extension ay konkreto at tatagal ng hanggang dalawampung taon.

Ang bagong taxiway extension ay nagkakahalaga ng kalahating bilyong piso at inabot ng dalawang taon bago matapos.

(Mon Jocson / UNTV Correspondnet)

Tags: , , , ,