12 NHA officials na sangkot sa maanomalyang Yolanda housing project sa Tacloban, kinasuhan na

by Erika Endraca | November 11, 2020 (Wednesday) | 7948

Pormal ng kinasuhan ang 12 National Housing Authority (NHA) officials na sangkot sa maanomalyang Yolanda housing project. Ito ang ipinahayag ni Tacloban City Mayor Alfred S. Romualdez  sa media sa loob ng Yolanda Mass Grave sa Brgy. Barpes bilang pag-alala sa mga nasalanta ng Supertyphoon Haiyan o Bagyong Yolanda 7 taon  na ang nakalilipas.

Matatandaang  inirekomenda ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)  sa Office of the Ombudsman noong October  8, 2019 ang pagsamsampa ng kaso sa ilang mga opisyal ng NHA at contractors dahil sa anomaliya sa pagtatayo ng nasabing housing project.

Nakakontrata sa J.C. Tayag Builders Inc. (JCTBI) ang nasabing proyekto na binayaran na ng P111.23M o nasa 15% ng napagkasunduang contract price. Pero ayon kay PACC Chairmann Dante Jimenez nasa 36 housing units lamang o 1.41% ng napagkasunduan ang naipatayo ng JCTBI nang maiterminate ang kontrata noong November 2017.

Ayon pa kay Mayor Alfred, maliban sa anomalya sa konstruksiyon ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) ay may anomalya din umano sa pamamahagi ng units sa mga benepisyaryo nito.

Sa pahayag ng alaklde may mga hindi dapat benepisyaryo ang nabigyan ng pabahay na ito, at mayroon namang iba na nagkadoble-dobleng nabigyan.

Dahil dito inendorso na at itinurn-over noong March 10, 2020 ng pamunuan ng NHA national office ang mga NHA pabahay sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement sa City Government of Tacloban upang maipagpatuloy at matapos na ang nasabing proyekto sa lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon ng PACC, sinabi ni Jimenez na binigyan umano ng mga NHA officials ng unwarranted benefits at advantages ang JCTBI matapos linlangin nito ang gobyerno sa techincal capacity ng kumpanya.

Kinilala ang mga sangkot na sina NHA General Manager Sinforoso Pagunsan, Assistant General Manager and Bids and Awards Committee (BAC) Chair Froilan Kampitan, BAC Vice Chair Ma. Alma Valenciano, BAC Member Lorna Seraspe, BAC Member Eleanor Balatbat, BAC Member Susana Nonato, BAC Member Romuel Alimboyao, Technical Working Group (TWG) Member Engineer Alvin Rey Calbario, TWG Member Grace Guevara, BAC 2 Chair Victor Balba, BAC 2 Vice Chair Felicisimo Lazarte Jr., at si BAC member Ma. Magdalena Siacon.

Mahaharap ang mga akusado sa patong-patong na kaso. Ito ay ang paglabag sa Section 8 ng R.A. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, Sections 3(E) and (G) of R.A. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at R.A. 9184 o ang  Government Procurement Act.

Sa ngayon ay nasa 10,000 units na ng mga bahay ang naipamigay sa mga taclobanon at nasa 3,000 units naman ang ipamimigay pa sa mga benepisyaryo nito habang plano namang dagdagan pa ito ng 3,000 unit.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: ,