12 lalaki sa room 2207, humarap na sa NBI ; kooperasyon ng mga ito para sa paglutas ng kaso, ipinagpasalamat ng NBI

by Erika Endraca | January 15, 2021 (Friday) | 5206

METRO MANILA – Nagtungo kahapon (Jan. 14) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 12 kalalakihan na gumamit ng room 2207 ng City Garden Grand Hotel.

Sumailalim sila sa mahigit 10 oras na masusuing question and answer investigation ng NBI experts.

“They opted that they will come again altogether samasama sila with counsels so everyone is to witness how the investigation proceeds as against all of them, nakikita nung iba paanong iniimbestigahan sila” ani NBI Spokesperson, Atty. Ferdinand Lavin.

Makikita sa cctv na ilang beses na pumasok si Christine Dacera sa room 2207 kasama ng kanyang mga kaibigan bago ito matagpuang walang malay sa bathtub sa room 2209.

Batay sa counter-affidavit na isinumite ng respondent na si John Pascual Dela Serna sa Makati Prosecutor’s Office, sinabi nitong pumunta sila ng room 2207 kasama si Christine dahil inimbitahan sila ng isa pang respondent na si Ed Madrid dahil may kilala siya doon.

Ayon kay NBI Deputy Director at Spokesperson Ferdinand Lavin, pina-subpoena ito bilang bahagi ng kanilang bukod na imbestigasyon.

“They have their lawyers so may cousnel dito, and we thank for them for their cooperation, hindi pa tapos ito, and the statements would be validated against the pieces of evidence” ani NBI Spokesperson, Atty. Ferdinand Lavin.

Naniniwala ang NBI na makatutulong ang kooperasyon ng 12 para malaman ang tunay na nangyari sa kaso ni Dacera.

Sinubukang ng media na kumuha ng pahayag mula sa kanilang mga abogado subalit tumanggi ang mga ito.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,