Matapos nga na ma-canvass ang isang daan at animnapu’t anim na certificates of canvass naiproklama na ng National Board of Canvassers ang labindalawang kandidato na nanalo sa Senatorial race.
Sa labindalawa, lima dito ay mga bagong pangalan sa Senado.
Ito ay sina, Joel Villanueva, Manny Pacquiao, Risa Hontiveros, Win Gatchalian at Leila de Lima.
Nagbabalik Senado naman sina Panfilo Ping Lacson, Richard Gordon, Migz Zubiri at Kiko Pangilinan.
Habang muling nahalan ang mga incumbent Senators na sina Senate President Franklin Drilon, Vicente Sotto III at Ralph Recto.
Sa halos 45 milyong pilipino bumoto, si Drilon ang nakakuha ng pinakamaraming boto kasunod si Villanueva, Sotto, Lacson, Gordon, Zubiri, Pacquiao, Pangilinan, Hontiveros, Gatchalian, Recto at De Lima.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista bagamat may mahigit isang libong boto pang hindi natatanggap ang National Board of Canvassers subalit hindi na ito makakaapekto sa lamang ni De Lima kay Francis Tolentino na aabot sa 1.3 million votes.
Bagamat may isinumiteng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Tolentino walang inilabas na Temporary Restraining Order ang korte kaya natuloy pa rin ang proklamasyon kay Gatchalian, Recto at De Lima na nasa pang sampu hanggang pang labindalawang pwesto.
Hindi nakarating sa proklamasyon sina Sotto at Lacson kaya ang kanilang mga abugado na sina Attorney Romulo Macalintal at dating COMELEC Chairman Sixto Brillantes Junior ang tumanggap ng certificate of proclamation.
Ayon sa Poll Chief maituturing mang most divisive at vicious ang nagdaang halalan subalit ito naman ang most organized at efficient.
Aniya ngayong 2016 poll mabilis ang transmission ng resulta ng botohan mula sa mga presinto na agad pumalo sa 96% pagpatak ng alas otso ng gabi noong May 9.
Mataas din ang voter’s turnout na umabot ng 81%.
Kasama naman sa naging hamon ng halalan ayon kay Bautista ay ang naging deriktiba ng Korte Suprema sa COMELEC na mag imprenta ng voter’s receipt ilang buwan na lang bago ang halalan.
Ngunit ayon sa pinuno ng COMELEC hindi dito nagtatapos ang istorya dahil pagkatapos ng halalan dapat tutukan ng taumbayan kung tutuparin ng mga nahalalal na opisyal ang kanilang mga pangako sa panahon ng kampanya.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)
Tags: joel villanueva, Leila De Lima, Manny Pacquiao, Risa Hontiveros, Win Gatchalian