Kampo ni VP Binay, pinadi-dismiss ang bagong kasong isinampa ng AMLC

by Radyo La Verdad | December 8, 2015 (Tuesday) | 2959

BINAY
Naghain ng mosyon ang mga abogado ni Vice President Jejomar Binay upang hilingin sa Manila Regional Trial Court na idismiss ang panibagong forfeiture case na isinampa ng Anti- Money Laundering Council.

Ipinunto ng kampo ni Binay na labag ito sa Section 2 ng Republic Act 1379 na nagbabawal na sampahan ng forfeiture case ang isang opisyal ng gobyerno isang taon bago ang halalan.

Sadyang inilagay ang probisyong ito upang mapigilan ang panggigipit sa mga kalaban sa pulitika.

Sa petisyong isinampa ng AMLC nitong november 12, hinihiling na magpalabas ang korte ng freeze order sa mga bank account at mga ari-arian na nakapangalan kay Binay, at anak nitong si dating Makati City Mayor Junjun Binay.

Sakop din ng petisyon ang 62 indibidwal at organisasyon kasama na ang mga kilalang tauhan ni Binay gaya nina Gerry Limlingan at Ebeng Baloloy.

May hinala ang AMLC na nagamit ang mga ito upang itago ang umano’y nakaw na yaman ni Binay.

Isinampa ang panibagong petisyon isang araw matapos mapaso ang 6-buwang freeze order na inisyu sa mga asset ng pangalawang pangulo batay sa petisyon ng AMLC noong nakaraang mayo.

Sinimulang dinggin ng Manila RTC ang petisyon ngayon lunes at dumalo dito ang mga abogado ni Binay.

Sa pahayag na inilabas ng kampo ni Binay, nabigo anila ang AMLC na makakuha ng freeze order at sa halip ay inatasan itong magsumite ng comment sa kanilang mosyon.

Nag boluntaryo din umano si Binay na hindi nito gagalawin ang kanyang bank account hanggang sa maresolba ng korte ang kaso.

Ito ay upang patunayan na wala umanong itinatago si Binay at pakana lamang ng mga kalaban nito sa pulitika ang panibagong petisyon ng AMLC. ( Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , ,