Makikiisa si Pangulong Benigno Aquino III sa selebrasyon ng ikaisandaan at labinpitong anibersaryo ng araw ng kalayaan na isasagawa sa Iloilo City sa June 12.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nais ng Pangulo ang maidaos ang mahalagang araw na ito sa iba’t ibang lugar ng bansa na nagbigay kontribusyon sa kasarinlan ng bansa.
Sa bayan ng Santa Barbara, Iloilo, pangungunahan ni Pangulong Aquino ang flag raising ceremony at dito siya magbibigay ng talumpati.
Kasunod nito ay isasagawa rin ang tradisyunal na Van D’Honneur sa old capitol building sa Iloilo City.
Inaasahan darating ang mga miyembro ng Diplomatic Corps, Dignataries, Cabinet Members at mga miyembro ng mababa at mataas na kapulungan ng kongreso.
Sa pagdiriwang ng araw ng kalayaan, muling tiniyak ng Malakanyang na sasamantalahin nila ang mga natitira pang ilang buwan ng administrasyong Aquino para sa pagpapatupad ng mga reporma. (Nel Maribojoc/UNTV News)
Tags: Pangulong Benigno Aquino III, Presidential Spokesman Edwin Lacierda