Hatol kay Pemberton, patunay na nasusunod ang VFA – Trillanes

by Radyo La Verdad | December 3, 2015 (Thursday) | 2324

ANTONIO-TRILLANES
Bagamat guilty ang naging hatol kay US Marine Joseph Scott Pemberton dahil sa pagpatay nito sa trangender na si Jennifer Laude, hindi ito ikinatuwa ng mga kaanak ng biktima at maging ng mga miyembro ng Makabayan Bloc.

Isinisisi ng mga ito sa VFA ang napababang sentensya kay Pemberton na 6 to 12 years, at ang posibilidad na hindi sa New Bilibid Prisons tuluyang makulong ang sundalo.

Ayon naman kay Senator Antonio Trillanes na ang paghatol na guilty kay Pemberton ay patunay na nasusunod ang mga nakasaad sa VFA.

Sinabi ni Trillanes na kung ang pagkukulungan kay Pemberton ang pag-uusapan dapat ay sa lugar na pinagkasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika.

Hindi rin maaring basta buwagin na lamang ang VFA dahil malaki ang naitutulong nito sa pagpapalakas ng Armed Forces ng bansa.

Samantala, ipinauubaya na lamang ng Malakanyang sa DOJ ang usapin kung saan dapat makulong si Pemberton.

Naniniwala naman si Senator Franklin Drilon, na hindi makakaapekto ang hatol kay Pemberton sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos at umaasa rin ito na susunod ang Amerika sa anumang ipaguutos ng korte. (Darlene Basingan/UNTV News)

Tags: , , ,