11 sugatan matapos tumama ang malakas na lindol sa Abra

by Radyo La Verdad | October 27, 2022 (Thursday) | 8046

METRO MANILA – Umabot na sa 11 indibidwal ang napaulat na nasugatan sa lalawigan ng abra matapos na tumama ang 6.4 magnitude na lindol nitong Martes (October 25) ng gabi.

Batay sa inisyal na report ng provincial government ng Abra, wala pa namang naiuulat na nasawi o nawawala matapos ang malakas na pagyanig.

At dahil dati na nagtamo ng pinsala ang ilang mga bahay at gusali sa abra matapos na yanigin ng magnitude 7 na lindol noong July 27, ilang mga bahay ang tuluyan nang nasira, habang ang iba ay tumindi pa ang pinsala ng ilang mga paaralan, tulay  at simbahan sa lalawigan.

Ayon kay Abra Vice Governor Maria Jocelyn Valera-Bernos, kulang na ang calamity fund ng lalawigan dahil nagdeklara na rin sila ng State of Calamity nitong mga nakaraang Linggo dahil sa pinsala ng bagyo sa probinsya.

Dahil dito mangangailangan sila ng dagdag na pondo upang maipaayos sana ang mga nasirang tulay at paaralan.

Samantala, mahigpit na mino-monitor ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang sitwasyon ng ating mga kababayan sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Ayon sa pangulo, nakatanggap siya ng ulat na may mga pamilya na nangangailangan ng tent para sa pansamantalang masisilungan.

May ilang residente ang takot pa ring bumalik sa kanilang mga bahay dahil sa banta ng aftershocks.

Tiniyak naman ni PBBM ang tulong ng pamahalaan sa mga pamilya na naapektuhan ng lindol.

“Ang hinihingi ng karamihan ay tents. And the reason why is ayaw nilang… natakot silang bumalik sa bahay nila baka mag aftershock tapos mahina ‘yung bahay, baka masaktan sila. But we’re monitoring. We do not have a critical problem when it comes to food and shelter. That is the most important part of the relief that we have to provide now for the people affected by the earthquake last night. “ ani Pres. Ferdinand Marcos Jr.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,