Hindi na nahintay ng labing-isang Overseas Filipino Workers na ito mula Kuwait ang tulong na magmumula sa pamahalaan.
Gamit ang sarili nilang pera ay bumili sila ng ticket pabalik ng Pilipinas at kahapon ay nakauwi na ang mga ito. Karamihan sa kanila ay nabigyan ng amnestiya ng Kuwaiti Government.
Isa na rito si alyas Celia na isang taon at pitong buwang namasukan bilang domestic helper sa Kuwait.
Aniya, nang lumabas ang balita na nagpatupad ng deployment ban si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga OFW sa Kuwait ay nagsitakasan na ang mga ito sa kani-kanilang mga amo.
Nangangamba anila sila na mapunta sa among natakasan ng ibang Pilipinong nag-avail ng amnestiya at mapagbalingan ng galit.
Ayon kay Celia, dagsa ang mga OFW na humihingi ng tulong sa OWWA sa Kuwait.
Ayon sa OWWA, makatatanggap pa rin ng twenty thousand livelihood assistance ang mga umuwing OFW na hindi dumaan sa amnesty program.
Tutulungan rin na masingil ang mga agency nito para makuha ang refund sa gastos sa pamasahe papauwi ng Pilipinas.
Pansamantalang kinukupkop sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration ang labing-isang OFW habang patuloy pang inaalam kung papaano pa matutulungan ang mga ito.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )