Nagamit ng tama ang inilaang budget para sa Philippine National Police.
Ito ang tugon ni PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez sa mga kumukuwestiyon sa budget ng pnp noong nakaraang APEC Summit.
Base sa datos na inilabas ng comptroller ng PNP, may inilaang mahigit sa 780 million pesos na budget ang pamahalaan na gagamitin ng pulisya sa pagbibigay seguridad sa pagdaraos ng APEC.
Kabilang na dito ang 39 na ministerial meetings sa iba’t ibang lugar sa bansa na nagsimula noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay General Marquez, nasisiguro niyang naibigay ang lahat ng pangangailangang ng mga pulis na nag-duty noong APEC Summit kabilang na dito ng tulugan, catering ng pagkain 70 shower head para sa kanilang paliguan, mga gamit para sa kanilang personal hygiene, electric fan, flu vaccine at vit.c.
“We deployed logistics team to make sure that not only their billeting areas are made comfortable we make that only 300 persons are covered by one caterer, we provided food distribution scheme even though they are so many caterer, shower head, electric fans, in essence what we did is making sure that their needs are properly attended.” pahayag ng Heneral
Paliwanag pa ng heneral, malaking bahagi ng budget ay napunta sa transportation allowance ng mga pulis na kinuha pa sa ibat- ibang rehiyon sa bansa na nagsilbing augmentation force dito sa Metro Manila.
Kaugnay nito, tiwala si Gen. Marquez na kaya nilang i-account maging ang kahuli hulihang sentimo na nagamit nila sa APEC operations. (Lea Ylagan/UNTV News)