10,326 OFW nakauwi na ngayong Linggo dahil sa isinagawang charter flights ng DFA

by Erika Endraca | November 23, 2020 (Monday) | 18000

METRO MANILA – Patuloy ang pagsasagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagpapauwi ng mga stranded na Overseas Filipinos (OFs) dahil sa pandemic kung saan 10,326 OFs ang naitalang nakauwi ngayong Linggo (Nov. 22).

Umabot na sa 265,111 ang kabuoang bilang ng mga nakauwing OFs mula ng simulan ito noong Pebrero 2020. Sa kabuuan, 83,866 (31.63%) dito ay seafarers habang 181,245 (68.37%)  naman ay land-based OFs.

Isang charter flight patungong Riyadh, Saudi Arabia ang isinagawa ng DFA kung saan 314 OFs ang nakauwi matapos humingi ng repatriation assistance mula sa Philippine Embassy sa Riyadh.

Nagsagawa rin ng charter flight ang DFA tungong Dili, Timor Leste kung saan 60 na stranded OFs ang nabigyan ng tulong.

Bukod dito, nagbigay rin ang DFA ng special repatriation assistance sa mga Pilipino mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Kabilang dito ang 1 kidnapped seafarer mula sa Equatorial Guinea, 1 kasambahay sa Iraq, 102 distressed OFs mula sa UAE, 22 stranded na Filipinos sa Malaysia, undocumented OFWs mula sa Colombia, Iraq at Syria, 1 matanda sa USA at 8 minor de adad mula sa Israel.

Matagumpay ring nabigyang tugon ang pangangailangang medikal ng 1 OFW na mayroong mayoma mula sa Bahamas, 1 OFW patient ng cycling accident, at 1 OFW na nakararanas ng intermittent bleeding mula sa Laos.

Sa kabila ng COVID-19 pandemic, nananatiling tapat ang DFA sa pagpapatupad ng kanilang Assistance-to-Nationals habang patuloy ang isinasagawang repatriation efforts sa mga hirap makauwi ng bansa.

(Christine Joy Tanay | La Verdad Correspondent)

Tags: ,