₱548-M buwis, nakolekta ng BIR mula sa mga naipasarang establisyemento

by Radyo La Verdad | December 2, 2020 (Wednesday) | 20770

METRO MANILA – Nakapag- report ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Finance (DOF) sa nakolekta nitong ₱547.9M buwis mula sa naipasarang 178 establisyemento mula noong Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon.

Ayon sa report ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, nakapag- file ang BIR ng 14 na kaso sa Court of Tax Appeals (CTA) upang makolekta ang ₱338Mna tax liabilities mula sa iba’t ibang respondents ng nasabing mga kaso.

Sa pahayag ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa sa nakaraang pagpupulong ng DOF Executive Committee, ang operasyon laban sa 178 na ipinasarang establisyemento ay sang-ayon sa Revenue Memorandum Order (RMO) No. 3-2009 o ang “Oplan Kandado Program”.

Dagdag ni Guballa, 72 complaints ang nakahain sa Department of Justice (DOJ) para sa halos ₱3.4B na tax liabilities, at ngayon ay nasa ilalim na ng preliminary investigation.

Noong 2019, nasamsam ng BIR ang kabuuang ₱1.92B mula sa Oplan Kandado Program bilang resulta ng pansamantalang pagpapasara ng 743 na establisyementong may iba’t ibang violations sa National Internal Revenue Code.

Tumaas ng 218.88% ang improvement rate ng BIR sa implementasyon ng Oplan Kandado Program kaysa noong 2018 na 233 establisyemento lamang ang naipasara. Tumaas din sa 140.76% ang koleksyon ng nasabing departamento na umabot sa ₱799.47M noong 2019.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: ,