₱17.5 milyong halaga ng shabu, ipinadala sa courier service

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 5792

Arestado sa entrapment operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency-NCR at Ninoy Aquino International Airport – Inter- Agency Drug Interdiction Task Group ang dalawang tao matapos nilang tangkaing kuhanin ang tatlo’t kalahating kilo ng shabu sa counter ng isang courier service company sa Pasay City kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Melvin Solitario Feliciano alyas Michael Cruz Espino at Rachel Dela Cruz.

Ayon kay PDEA-NCR Regional Director Ismael Fajardo, ang pagkakahuling ito ay resulta ng pagtutulungan ng PDEA at international at local courier companies matapos makumpiska ang pinagsamang 11.5 kg ng shabu noong November 29 at December 4.

Aniya, ngayon ay may mga kasama ng tauhan ng PDEA na sumusuri sa mga dumadaang package sa mga forwarding companies at nagdagdag pa sila ng tatlong K9 sniffing dogs kung saan na-detect ang package na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakapangalan kay Feliciano.

Tinatayang nasa ₱17.5 milyon ang street value ng shabu na nakumpiska ng PDEA.

Ayon kay Director Fajardo maraming buhay ang masisira kung nakalusot sa kanila ang nasabat na droga.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang PDEA-NCR para matunton ang nagpadala ng kilo-kilong iligal na droga.

Mahaharap sina Feliciano at Dela Cruz sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act Of 2002.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,