Zero waste-street, isinusulong sa Paris, France

by Radyo La Verdad | December 7, 2018 (Friday) | 13348

Sa 10th District ng Paris sa Rue de Paradis ay mag-eeksperimento ng “zero waste” at magiging kauna-unahang zero waste-street sa Paris.

Ang proyektong ito ay mag-uumpisa sa ika-18 ng Disyembre 2018 at tatagal ng isang taon.

Mahigit anim na libo ang naninirahan sa kahabaan ng Rue de Paradis, lahat ay inuudyukan ng 10th District City Council, maging ang mga empleyado, small businesses at maging ang mga estudyante sa paaralan na bawasan ang kanilang basura at maging madisiplina sa pagre-recycle.

Isang grupo ng asosasyon, ang “Zero Waste Paris” ang nagbigay kaalaman sa  mga residente na nais magsanay sa ganitong uri ng pamumuhay.

Dito ipinakita ng grupo kung ano ang mga alternatibong gagamitin sa kanilang pang araw-araw na hindi makaka-apekto sa kalusugan at kalikasan, recycling at decomposing.

Ayon sa residente ng Rue de Paradis, ilang araw pa lamang nag-uumpisa ng zero waste lifestyle, aniya ay hindi ito madali pero unti-unti niya itong ginagawa para sa susunod na hererasyon.

Ang proyektong ito ay isa sa climate plan na hakbang ng Paris City Council dahil sa lumalalang climate change at ayon sa deputy mayor ng 10th District ay mas makakamura at abot-kaya ng bulsa ang pagiging zero waste.

Ang paggamit ng plastik at papel araw-araw, kung walang maayos na recycle ay nagiging dahilan ng ecosystem pollution, pagtaas ng carbon dioxide level sa atmosphere, climate change, pagkalason ng marine life at kinalaunan ay paglaho o extinction ng mga partikular na uri ng halaman at hayop.

Dagdag pa nito, malaki ang magagawa ng bawat indibidwal sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay upang mapabuti ang kalagayan ng mundo.

 

( Jhun Garin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,