Patuloy ang paglaki ng volume ng basura na inilalabas ng Pilipinas. Batay sa datos ng National Solid Waste Management Commission, noong 2016 ay umaabot sa mahigit 40 thousand tons ng basura kada araw ang nakokolekta sa Pilipinas. Malaking porsiyento rito ay mula sa National Capital Region (NCR). Ang debate sa polisiya sa target na zero waste sa bansa ay nagpapatuloy.
Ayon sa mga advocates at experts, ang paggamit ng incinerators at waste-to-energy plants ay parehong nagbubuga ng mga usok na nakakasama sa kalusugan at nakakasira ng kalikasan. Sa ilalim ng Clean Air Act, ipinagbabawal ang paggamit ng incinerators. Ngunit pinagtatalunan pa rin ngayon ang tungkol sa pagtatayo ng mga waste to energy facilities.
Sa ngayon ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ilang mga panukala ang kanilang isinusulong kaugnay sa waste disposal. Ngunit imposible pa aniya sa Pilipinas na magkaroon ng malawakang pagtatayo ng mga pasilidad na mag-gegenerate ng kuryente sa pamamagitan ng basura.
Bukod sa mahal ang gastos ay may ilang amiyenda sa batas ang kailangang isagawa.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: basura, Pilipinas, zero waste management