Zero-corruption sa Pilipinas, tiniyak ni Pangulong Duterte sa mga negosyante sa Jordan

by Radyo La Verdad | September 7, 2018 (Friday) | 2876

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Jordanian businessmen na mamuhunan sa Pilipinas at tiniyak ang mabilis na proseso ng pagnenegosyo sa bansa. Kasabay nito ang pagtitiyak ng punong ehekutibo na zero-corruption sa bansa.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isang business forum bilang bahagi ng official visit nito sa Jordan. Isa rin sa highlight ng naturang forum ang pagpirma ng walong letters of intent at dalawang memoranda of understanding sa pagitan ng Jordan at Philippine Government.

Bago ito, isang welcome ceremony ang inihanda ni King Abdullah Bin Al-Hussein para kay Pangulong Duterte at nagkaroon din ng closed-door meeting ang dalawa.

Ayon naman kay Special Assistant to the President Bong Go, dalawang Cobra attack helicopters ang nakatakdang i-turn over ng Jordan sa Pilipinas sa Hulyo 2019 pagkatapos ng training ng mga Filipino pilots.

Bukod pa ito sa commitment ng Jordan na pagkakaloob ng iba pang military weapons tulad ng mortars, rifles at rocket-propelled grenade.

Samantala, batay kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mapapaaga ng uwi sa Pilipinas ang delegasyon ni Pangulong Duterte dahil tapos na ang lahat ng engagement nito ngayong araw ng Biyernes.

Pagkatapos ang nakatakdang pakipagpulong nito sa Filipino community ngayong araw, babalik na ito sa Pilipinas at inaasahang darating sa Davao City bukas, araw ng Sabado.

Batay sa naunang schedule na ibinigay ng Malacañang, Linggo pa sana nakatakdang bumalik ang delegasyon ng Pangulo mula sa official visits nito sa Israel at Jordan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,