Zamboanga LGU, hiniling sa AFP ang pagpapanatili ng dalawang batalyong sundalo sa syudad

by Radyo La Verdad | January 16, 2018 (Tuesday) | 4482

Tatlong hinihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf ang nahuli ng mga otoridad sa Zamboanga City nitong nakararaang linggo. Isa sa mga ito ay si Ben Akmad, isang bomb maker na nahulihan ng pampasabog sa inuupahan nitong kwarto.

Matatandaang inamin ng suspek na may nag-utos lamang sa kaniya na gumawa ng improvised explosive device.

Naniniwala ang mga otoridad na may iba pang mga kasamahan ang ASG member. May balak itong magpasabog kung hindi man sa lungsod ay sa ibang lugar sa Mindanao.

Kaya naman hiling ng lokal na pamahalaan sa Armed Forces of the Philippines na  paigtingin ang kanilang presensya sa syudad.

Kamakailan lamang ay bumisita sa Zamboanga City si AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero. Kaya naman personal na ipinaabot ni Mayor Beng Climaco ang hiling na panatilihin sa syudad ang dalawang batalyon ng military.

Kabilang na rito ang isang batalyon ng Philippine Marines at isa namang batalyon ng army.

Samantala, tiniyak naman ng PNP na patuloy ang kanilang pakikipag- ugnayan sa AFP para sa lalong pagpapaigting ng seguridad sa lugar.

Plano ng mga itong magkaroon ng area command sa lugar. Kahapon ay bumista sa lugar si Police Director Cedrick Train, ang bagong talagang Director for Integrated Police Operation sa Western Mindanao.

Binilinan nito ang kaniyang mga tauhan na manatiling alerto lalo na at hindi lamang ang banta ng ASG ang kanilang kinanaharap kundi maging ang banta ng mga rebeldeng New People’s Army.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,