Hindi pa man opisyal na idinedeklara ang pag-iral ng panahon ng tag-init ay ramdam na ng marami nating mga kababayan ang epekto nito.
Dito sa Zamboanga City, patuloy nang bumababa ang level ng water supply at bagaman nagsagawa ng dalawang linggong cloud seeding operations noong Pebrero ay tila wala itong naging epekto.
Sa ulat naman ng sektor ng agrikultura, umabot na sa mahigit 23.9 million pesos ang pinsala sa mga pananim o 1,092 hectares ng agricultural land ang naapektuhan ng tag-init.
Mas matinding tinamaan ang rice fields na mahigit sa 517 hectares ang nasira kasunod ang cornfields na may 262 hectares.
Kanya-kanyang diskarte na rin ang mga magsasaka upang mabuhay ang kanilang mga pananim lalo na ang rainfed crops o naka-depende sa buhos ng ulan.
Mayroong nagtatanim ng mga gulay imbis na mais upang may pansamantalang pagkakitaan.
Samantala, pagdating naman sa suplay ng tubig sa lungsod ay nasa 73.86 meters na ang lebel ng tubig sa Pasonanca Diversion Dam mula sa 74.20 meters normal level.
Mula sa 5,000 cubic liters per hour na kailangan upang masuplayan ang nasa 56,000 consumers sa lungsod ay bumaba na ito ngayon sa 2,200 cubic liters per hour.
May mga residente partikular sa mga matataas na lugar ang bumibili na lamang ng tubig sa ibang barangay.
Kaugnay nito, sinabi ng City Water District na posibleng magpatupad na naman sila ng water rationing scheme.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na magrarasyon ng tubig para sa mga consumer.
Mulig panawagan ng mga otoridad sa mga residente na magtipid sa paggamit ng tubig
(Dante Amento / UNTV Correspondent)
Tags: tumitinding epekto ng tagtuyot, water rationing scheme, Zamboanga City Water District