Zamboanga City Gov’t, umapela kay Presumptive Pres. Duterte na huwag isasama ang kanilang lungsod sa Bangsamoro entity

by Radyo La Verdad | May 16, 2016 (Monday) | 3728

DANTE_ZAMBOANGA
Ngayon pa lang ay nagparating na ng mensahe kay Presumptive President-elect Rodrigo Duterte ang Zambonga City government bago ang pormal nitong pag-upo sa puwesto bilang ika-labing-anim na pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Ayon kay Zamboanga City Mayor Beng Climaco, ilan sa kanilang nais hilingin sa incoming president ay ang exemption sa kanilang lungsod sa pagbuo ng Bangsamoro entity.

Una nang hiniling ng city government na huwag silang maisama sa bangsamoro territories sa ilalim ng isinusulong na Bangsamoro Basic Law ng Administrasyong Aquino.

Hiniling din ng Zamboanga City government na maibalik sa lungsod ang lahat ng regional offices tulad ng Napolom at Comelec dahil ito ang sentro ng ekonomiya at populasyon sa Zamboanga peninsula.

At kahulihulihan ay ang pagkakaroon ng panibagong Zamboanga International Airport na makatutulong sa paglikha ng dagdag na trabaho at pagkakakitaan.

Tiniyak rin ni Climaco na susuportahan niya ang administrasyon ni Duterte.

Umaasa rin ang alkalde na malilinawan ang isyu hinggil sa umano’y misquoted niyang panawagan noon na huwag iboto si Duterte.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , ,