Yolanda survivors, inirereklamo ang mabagal na pag-aksyon ng pamahalaan sa rehabilitation at livelihood projects sa mga sinalanta ng bagyo

by Radyo La Verdad | November 6, 2015 (Friday) | 5400

YOLANDA-SURVIVORS
Nagtipon-tipon ngayon huwebes ang may animnapung yolanda survivors mula sa iba’t-ibang probinsya na sinalanta ng sinasabing pinakamalakas na bagyo na tumama sa kasaysayan ng pilipinas

Dalawang taon na ang nakalipas mula ng manalasa ang bagyong yolanda hanggang ngayong marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagrereklamo dahil sa mabagal na pagkilos ng pamahalaan sa pagbibigay sa kanila ng pabahay at pangkabuhayan.

Bukod sa mga survivor, inanyayahan rin sa pagtitipon kanina ang mga opisyal mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na siyang nangunguna sa rehabilitation at livelihood projects sa mga lugar na sinalanta ng bagyong yolanda.

Ngunit, apat na kinatawan lamang ang nakadalo, kabilang na ang Commission on Human Rights, DSWD,OCD-NDRRMC at ang National Housing Authority.

Ngayon huwebes sama-samang nilagdaan ng mga survivor ang kopya ng pahayag ng pagkakaisa at panawagan ng mga nasalanta ng yolanda.

Dito nakasaad ang kanilang mga hinaing, kabilang na ang sa isyu ng umano’y hindi pantay na pamamahagi ng emergency shelter assistance,at kakulangan ng mga relocation site para sa mga kababayan natin na naninirahan sa mga danger zone.

Bukod sa housing project,idinadaing rin ng ating mga kababayang mangingisda ang naipangako sa kanilang pangkabuhayan.

Una ng inihayag ng pamahalaan na ginagawa na ng ibat-ibang ahensya ang lahat upang mapabilis ang pagsasaayos ng mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Sa huling tala ng DSWD nasa mahigit siyam na raang libong pamilya na ang napagkalooban ng emergency shelter assistance mula sa mahigit isang milyong pamilyang target na mabigyan nito. (Joan Nano/UNTV News)

Tags: , , ,