Yolanda Memorial, target matapos bago ang ika-limang anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Yolanda

by Radyo La Verdad | November 2, 2018 (Friday) | 5312

Nobyembre 2013 nang manalasa sa bansa ang Bagyong Yolanda. Pinaka-malubhang napinsala nito sa Tacloban, Leyte kung saan tinatayang nasa anim na libo ang nasawi habang mahigit isang libo ang nawawala.

Bukod dito, napakalawak din ang naiwan nitong pinsala sa imprastraktura.

Kabilang si Elena Cadan sa mga nawalan ng mahal na sa buhay sa naturang trahedya. Apat sa kanyang mga anak ang naglaho sa kasagsagan ng pananalasa ng naturang bagyo.

At bagaman hindi na niya nakita ang mga ito, regular siyang nagtutugo sa mass grave upang  mag-alay ng panalangin at alalahanin ang mga ito.

Para sa ibang nakaligtas, hindi pa rin nawawala ang sakit na idinulot ng trahedya lalo na sa mga naiwang kaanak na hindi nila nalaman kung ano ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay.

At ngayong malapit na namang gunitain ang itinuturing na pinakamatinding trahedyang tumama sa lalawigan, minamadali na ang konstruksyon ng Yolanda Memorial Monument.

Target itong matapos sa susunod na linggo upang umabot sa paggunita sa ika-limang taong anibersaryo ng Bagyong Yolanda.

 

( Jenelyn Gaquit – Valles / UNTV Correspondent )

Tags: , ,