Yellow alert, itinaas ng DOH sa 47 barangay dahil sa dengue

by Radyo La Verdad | August 10, 2016 (Wednesday) | 2988

JOAN_DENGUE
Apat na put pitong barangay sa buong bansa ang tinukoy ng Department of Health na kabilang sa hot zone areas o ang mga lugar na patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.

Inilagay na ang mga ito ng DOH sa yellow alert level dahil sa higit sa dalawang kaso ng dengue na naitatala sa barangay.

Kabilang sa mga inalerto ng DOH ang isang barangay sa Region 1, 5 sa Calabarzon Region at tatlo sa lalawigan ng Pampanga.

Tig-iisa barangay sa Antique, Guimaras at Iloilo.

Anim sa Cebu Province,tatlo sa Davao City, labing-tatlo sa South Cotabato, at sampu sa Cordillera Autonomous Region.

Dalawa sa NCR, kabilang na ang Brgy.Longos sa Malabon at Brgy.Fairview sa Quezon City.

Kanina, ininspeksyon ng DOH ang San Lazaro Hospital, na isa sa mga pinaka dinarayo ng mga pasyenteng may dengue.

Layon nito na masiguro ang kahandaan at prosesong ipinatutupad ng ospital sa kanilang mga pasyenteng may dengue.

Subalit sa kasalukuyan ay umaabot pa lamang sa 20 hanggang 30 dengue patients ang kanilang natatanggap sa araw-araw.

Batay sa polisiya ng ospital, naglalagay lamang sila ng dengue express lane kapag umaabot na sa 80-kada araw ang pasyenteng nagpapakonsulta sa kanila.

Sa huling datos ng DOH nasa mahigit pitumpung libong kaso ng dengue ang naitatala sa bansa mula January 1 hangang July 23 ngayong 2016, mahigit tatlong daan rito ang namamatay na.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,