Batay sa pinakahuling komputasyon ng Manila International Airport Authority (MIAA), aabot na sa 72 milyong piso ang dapat bayaran ng Xiamen Airlines sa kaugnay ng pagsadsad ng eroplano nito sa runway ng Ninoy Aquino International Airport noong ika-16 ng Agosto.
Sa muling pagdinig ng Senado kahapon sa isyu, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal, nagtungo na sa bansa noong Biyernes ang finance officer ng Xiamen Airlines upang humingi ng listahan ng mga dapat bayarang danyos. Nakatakda ring dumating sa bansa ngayong linggo ang mga opisyal ng kumpanya. Kasama rin aniya sa darating ang piloto ng Xiamen Air upang alamin dito ang ilan pang impormasyon.
Ayon naman kay Senator Grace Poe, ang committee chair ng Senate Public Services, posible silang magpatawag pa ng executive session pagkatapos ng pagsusumite ng rekomendasyon ng komite sa nangyaring pagdinig.
Binigyang-diin ng senador na kinakailangan ng maayos ng koordinasyon ng airport authorities at mga airline companies pagdating sa crisis management dahil lumalabas sa pagdinig na may pagkukulang ang mga airlines at airport management sa insidente.
Hawak na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang black box ng Xiamen Airlines mula sa Singapore.
Kasalukuyan aniya nila itong iniimbestigahan kaya hindi na muna sila maaaring magbigay ng anomang detalye.
Mag-iisyu aniya ang CAAP ng hiwalay na penalty na babayaran ng Xiamen Airlines laban sa mga nalabag ng operator at sa mga piloto nito batay sa Philippine Civil Aviation regulations.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: MIAA, Senator Grace Poe, Xiamen Airlines