World-class composers, nagsama-sama upang tumulong sa rehabilitasyon ng Banaue Rice Terraces

by Radyo La Verdad | July 12, 2018 (Thursday) | 2235

Sa pamamagitan ng kanilang mga likhang awit, ipinakita ng mga kompositor mula sa iba’t-ibang bansa ang kanilang pakikiisa sa pagsagip sa Banaue Rice Terraces.

Walumpu’t apat na kompositor ang nagtagisan sa paglikha ng Banaue-inspired na mga obra para sa 2018 Banaue International Music Composition Competition.

Kahapon, inanunsiyo na ang top 20 finalist sa sasailalim sa dalawang linggong immersion program sa Banaue. Sampu sa kanila ang mapipili upang ipresenta ang kanilang obra kasama ng isang orchestra.

Idinaos ang patimpalak upang maipabatid sa publiko ang kalagayan ng Banaue Rice Terraces. Nanganganib itong matanggal sa listahan Unesco World Heritage Sites dahil ikatlong bahagi na nito o aabot na sa isang libo anim na raang ektarya ang nasisira at abandonado.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Banaue, mas lumalala pa ang kalagayan nito sa ngayon.

Ang makukuhang pondo mula sa kompetisyon ay gagamitin para sa rehabilitasyon ng Banaue Rice Terraces na tinaguriang Eight Wonders of the World.

 

( Charlie Barredo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,