World Bank, umaasang lalago ng 5.8% ang ekonomiya ng Pilipinas sa 2024

by Radyo La Verdad | December 7, 2023 (Thursday) | 2738

METRO MANILA – Posibleng umabot sa 5.6% ang Gross Domestic Product (GDP) growth ng Pilipinas sa taong 2023 at umakyat pa ng hanggang 5.8% pagdating ng taong 2024.

Base sa Philippine Economic Update December 2023 edition ng world bank, ang labor market at remittances ang patuloy na mapapalakas sa household consumption.

Ang pagtataya na ito ng World Bank ay mas mababa sa inaasahan ng pamahalaang Pilipinas na magiging paglago ng ekonomiya sa 6% hanggang 7%, at 6.5% hanggang 8% sa taong 2024.

Ayon sa international lender, inaasahan na ang magpapaunlad sa ekonomiya ng Pilipinas ay ang services sector na kinabibilangan ng transportasyon, communications, real estate , hotel at iba pa.

Sinusuportahan din ito ng patuloy na pagbangon ng turismo , magandang estado ng information technology at Business Process Outsourcing (BPO) industry.

Sa kabila nito, ayon sa World Bank Country Director Ndiame Diop, naapektuhan ang private investments ng mataas na inflation, at mataas na paghiram ng pera at kawalan ng katiyakan sa nangyayaring tensyon sa ibang bansa.

Kailangan aniyang ipatupad ang mga reporma ng administrasyon para kayaning maharap ang mga hamon na ito.

Bago ang ulat na ito ng world bank, nagpahayag na ng kumpiyansa ang Department of Finance (DOF) sa estado ng ekonomiya ng bansa at inaasahang malalapagpasan pa ang ibang mga bansa sa Asya.

Ilang hakbang ang tututukan ng administrasyon upang maabot ang tinatarget ng economic growth at makontrol rin ang inflation.

Kabilang na ang mabilis at maayos na paggamit ng pondo ng mga ahensya, pataasin ang produksyon sa agrikultura at targeted subsidy para sa mga sektor na apektado ng inflation.

Tags: ,