WISHcovery, nakikitang susi ng pre-qualifier mula sa Rizal sa pagtupad sa naudlot na pangarap

by Radyo La Verdad | August 11, 2017 (Friday) | 2090

Itinuturing ng 19-year old na si Mike John Lloyd Villamor ang kanyang talento bilang isang kayamanan. Bata pa lamang nang makahiligan ng WISHcovery pre-qualifier mula sa Rizal ang pag-awit.

Hindi man naging maginhawa sa lahat ng aspeto ng buhay, ginagamit naman ni Mike ang talentong ipinagkaloob sa kanya para maabot ang kanyang mga pangarap.

Napilitan siyang huminto sa pag-aaral gayundin ang kanyang kapatid dahil hindi sapat ang kita ng amang tricycle driver para tustusan ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Sa pag-asang maipagpapatuloy ang naiwang kurso sa kolehiyo at mabigyan ng magandang buhay ang pamilya, umaawit si Mike sa iba’t-ibang events at sumasali rin sa mga singing competition upang kumita.

Para kay Mike, isang malaking oportunidad ang nabuksan sa kanya sa pamamagitan ng WISHcovery. Nangako naman siya sa sarili na gagawin ang lahat para sa kumpetisyong nakikita niyang daan sa katuparan ng kanyang mga pangarap.

 

(Leslie Longboen / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,