WISH MUSIC AWARDS, ISANG PERFECT COMBINATION NG MUSIC AT ADVOCACY

by Jeck Deocampo | January 11, 2019 (Friday) | 28800

METRO MANILA, Philippines – Mula nang umpisahan ang kauna-unahang Wish Music Awards (WMA) noong 2016, aabot na sa halos limang milyong piso ang naipamahagi nito sa ating mga kababayang kapos-palad, isang napakagandang kombinasyon ng “music” at “advocacy“. Ito ang pinatutunayan ng Wish 107.5 sa loob ng apat na taong pagbibigay ng parangal sa mga natatanging Pilipinong musikero.

Bukod sa pagpupugay na iginagawad ng Wish 107.5 sa musikang Pilipino sa pamamagitan ng pagkilala sa husay at galing ng mga artist, namamahagi rin ito ng tulong sa iba’t ibang mga charity organization at foundation na pinili mismo ng mga pinarangalan.

Nitong nakaraang taon lang, isa ang Sto. Niño Home for the Aged mula sa Marikina City sa labing-isang advocacy group na nabigyan ng cash donation na nagkakahalaga ng Php 100,000. Nagpaabot naman ng pasasalamat ang foundation dahil malaki ang maitutulong nito at maraming senior citizen ang makikinabang.

Bawat napiling beneficiary ng mga nagwaging artist sa Wish Music Awards ay pinagkalooban ng Php 100,000. Bukod pa ito sa naiuwing Php 25,000 na para naman sa mga nanalong artist. Sa loob lamang ng tatlong taon ay nakapag-bigay na ng kabuoang halaga na Php 4.875 million ang Wish 107.5 sa tuwing isinasagawa ang awarding ceremony ng WMA.

Kasama rin sa mga beneficiary na nakatanggap ng cash donation ay ang World Vision, isang humanitarian group na nagsasagawa ng kampanya laban sa kahirapan. Gayundin ang Teach for the Philippines, isang grupong umaalalay sa mga nangangarap na maging guro. Kasama ring natulungan ang Save the Children na nagbibigay proteksyon at sumusuporta sa mga bata at ang Cancervants PH na nagsusulong ng kampanya at tumutustos sa mga cancer patient sa bansa.

Ngayong darating na ika-15 ng Enero ay idaraos sa ikaapat na pagkakataon ang Wish Music Awards sa Smart-Araneta Coliseum. “Breaking Boundaries” ang tema sa taong ito kung saan mayroong walumpung music artist na nominado sa labing-walong categories. Unang pagkakataon din na nadagdag ang dalawang bagong kategorya, ang Wishclusive Hip-hop Performance of the Year at ang Wish Hip-hop Song of the Year.

Bagama’t walang nakasisiguro kung sino ang mga mananalo sa Wish Music Awards sa taong ito, ngunit isang bagay ang sigurado, ngayon pa lang ay panalo na ang mga kababayan nating kapos-palad na may bahagi sa okasyong ito. Bukod sa nabibigyang pagkilala ang natatanging husay at talento ng mga Pilipino sa larangan ng musika, sa likod nito ay ang natatanging adbokasiya na pagtulong sa mga nangangailangan. 

(Lester Villegas / Radyo La Verdad Contributor)

Tags: , , , , , , ,