WHO nanawagan sa publiko na huwag maging kampante sa pagbaba ng kaso ng COVID-19

by Erika Endraca | February 21, 2020 (Friday) | 1910

Sa pinakahuling tala ng National Health Commission ng China at World Health Organization (WHO), mahigit 74,000 na ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa China habang mahigit 1,000 naman sa mga bansa sa labas ng China. Mahigit 2,1000 na rin ang nasawi dahil sa naturang sakit buong mundo.

Ayon sa isang siyentipiko sa China posibleng bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa mga susunod na buwan. Pero ayon sa WHO hindi dapat maging kampante ang lahat kahit pababa na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Dahil hindi umano tiyak hanggang ngayon kung hanggang kailan magiging pababa ang bilang nito.

Sa ground zero ng COVID-19 sa Wuhan, China marami pa rin ang mga establisimiyento ang sarado at hindi pa rin lumalabas ng kanilang mga bahay ang karamihan ng mga residente. Mag iisang buwan na matapos isailalim sa lockdown ang Wuhan City.

Sa bansang Iran naman sinuspinde na ang ilang mga public event matapos masawi kamakailan ang 3 indibidwal na nagpositibo sa COVID-19.

Nagsusuot na rin ng facemask ang mga residente sa takot na baka mahawa sa nakakamatay na virus. Sa Vietnam pinauwi na ang mahigit 100 residente sa Lang Son na isinailalim sa 14 na araw na quarantine.

Pero sa kasalukuyan may mahigit 500 indibidwal pa na galing sa China ang kasalukuyang naka -isolate sa isang military facility sa Long Son. Mayroon nang 16 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Vietnam.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: