Whistle blower na si Ador Mawanay, inaresto sa Pasig sa kasong estafa

by Radyo La Verdad | May 28, 2020 (Thursday) | 50339

METRO MANILA – Sakay ng itim na sasakyang ang negosyanteng si Antonio Luis Marquez alyas Ador Mawanay nang harangin ng mga tauhan ng CIDG-Anti Organized Crime Unit at CIDG Rizal Provincial Field unit ang sa Greenwood, Subdivision, Pasig City.

Sa windshield ng sasakyan makikita ang papel na may nakasulat na “do not delay, medical essentials delivery.”

Ayon kay CIDG Deputy Director for Administration PBGEN. Rhoderick Armamento may warrant of arrest si Marquez alyas Mawanay sa kasong estafa na inisyu ni Antipolo City Regional Trial Court Judge Ma. Consejo Ignalaga.

Inireklamo aniya ito ng isang doktora dahil hindi na ito makontak matapos nyang magbayad ng 12 million pesos para sa ibinibenta nitong face mask.

“Nakipag transaksyon sa kanya with that amount only to find out na walang face mask, walang medical supplies na dumating sa kanila,” ani PBGEN. Rhoderick Armamento, Deputy Director for Administration, CIDG.

Paliwanag ni Marquez, na delay lamang ng delivery ng mga face mask.

“May delay man pero may delivery ako na makakapag prove dyan, kaya ngayon harrassment na lang tong nangyayari sa kin eh,” ani Antonio Luis Marquez alyas Ador Mawanay.

Bukod sa reklamo ng doktor, sinabi din ni Armamento na may pending warrant of arrest din ito sa Jan Juan at Quezon City Court.

Kinumpirma din ni BGEN. Armamento na si Marquez at si Angelo Ador mawanay na whistleblower ay iisa.

“Accordingly he is telling to us na he is still under the witness protection program at yung Angelo Ador mawanay yun ang pangalan na ibinigay sa kanya but ang tunay nyang pangalan talaga ay Antonio Luis Marquez,” ani PBGEN. Rhoderick Armamento, Deputy Director for Administration, CIDG.

Matatandaang noong 2001, si Mawanay ay nagsibilbing whistle blower kung saan inakusahan nito si sen. Panfilo Lacson na sangkot sa katiwalian at ilIgal na droga.

Kalaunan, humingi din ito ng tawad sa Senador at inaming walang katotohanan ang mga ibinibintang nya.

(Lea Ylagan)

Tags: