Nahaharap ang bansa sa posibleng pagkakaroon ng mas maraming insidente ng pagbaha at landslide.
Ayon sa PAGASA, base sa international models, nasa 55-60% ang pagkakaroon ng weak La Niña mula Setyembre.
Sa La Niña, mas mainit ang temperatura ng karagatan sa western pacific na kinabibilangan ng Pilipinas.
Ang epekto, mas maraming ulan sa bansa lalo na ang kanlurang bahagi ng bansa.
Ngunit babala ng PAGASA, hindi dapat ipagwalang bahala ang epekto ng La Niña kahit na mahina lamang ito.
Sa pagtaya ng PAGASA, nasa 5-9 na bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility hanggang Pebrero kung saan mas malapit sa bansa ang posibleng maging track nito.
Posible ring mas maraming ipo-ipo at buhawi kapag maraming thunderstorms gaya nang nangyari sa Maynila nitong Agosto.
Sa ngayon ay tumaas na ang lebel ng tubig sa Angat dam na kaninang umaga ay nasa 195.10 meters.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)