METRO MANILA – Bumaba ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila at ilang karatig lugar sa nakalipas na 7 araw batay sa tala ng Octa Research Group.
Mula 14.9% noong October 15 ay 12.3% na lang ang nagpopositibo sa COVID-19 sa Metro Mnila noong October 22.
Habang ang mga lalawigan naman sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal, bumaba rin ng 0.9% – 4% ang positivity rate.
Paliwanag ni Octa Research Fellow Guido David, posibleng natapos na ang wave o ang malubhang epekto ng COVID-19 Omicron subvariants partikular na sa NCR.
Sa kabila nito, nilinaw ng Octa Research Group na hindi pa rin ligtas ang bansa sa iba pang mga COVID-19 variants na maaari pang pumasok.
Lalo pa’t tumataas naman ang positivity rate sa Cagayan, Iloilo, Isabela, La Union, Misamis Oriental, Pangasinan at Tarlac.
Kaya patuloy na ipinapayo ng grupo sa publiko ang pag-iingat laban sa naturang sakit sa pamamagitan ng pagpapabakuna, pagsusuot ng face mask at iba pang health protocols.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)