METRO MANILA, Philippines – Maglilibot ang mga tauhan ng Fair Trade Enforcement Bureau ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga water refilling stations ng mga lugar na nakararanas ng water shortage.
Ayon sa DTI, kailangan nilang makuha ang lahat ng impormasyon gaya ng pangalan ng may-ari, contact number at iba pa upang maisyuhan ang mga ito ng notices na naglalayong malaman ang mga cost components kung paano nagpapataw ang mga ito ng presyo ng ibinibentang tubig sa mga customers.
“’Pag sinubmit nila ‘yan satin, magkakaroon sila ng suggested retail price at alam natin kung magkano lang dapat pasok sa basic so alam natin magkano lang ang presyo, so hindi sila pwede magsamantala nitong dinadanas natin ngayon sa tubig.” ani USEC Ruth Castelo, DTI.
Kamakailan ay kinumpirma ng mga may-ari ng water refilling stations na nagtaas sila ng benta dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig. Anang mga ito, inaangkat pa nila ang tubig sa Maynila upang patuloy na makapag-serbisyo sa kanilang mga suki.
Ang dating P30 na tubig ay ibinebenta na nila ngayon ng P50 kwento ng isang nagmamay-ari ng water refilling station.
Paliwanag naman ng DTI, bagama’t hindi nila sakop ang mga water refilling stations kailangan nila itong pakialaman kapag inilalagay na sa bote ang mga tubig at ibinebenta na sa consumers.
“Hindi porke refilling lang sila ay hindi na namin sakop, syempre the fact na binobote na nila ‘yan para inumin papasok na ang jurisdiction ng DTI.” saad ni Castelo.
Bukod sa tubig ay babantayan din ng DTI ang presyo ng mga drums at imbakan ng tubig upang maiwasan ang pananamantala na taasan ang presyo ng mga ito.
(Mon Jocson | UNTV News)
Tags: Department of Trade and Industry, Kulang sa suplay ng tubig, suplay ng tubig, Water refilling stations