Water level sa Marikina River, nasa 16 meters o ikalawang alarm level pa rin

by Radyo La Verdad | July 18, 2018 (Wednesday) | 5329

Bunsod ng patuloy na pagbuhos ng ulan, nasa labing anim na metro o second alarm level pa rin ang water level ng Marikina River sa bahagi ng Barangay Tumana, Marikina City simula pa kahapon. Dahil sa pag-apaw ng tubig sa naturang ilog, hindi pa rin madaanan ang mga lansangan sa tabi ng Marikina River.

Base sa official water level monitoring sa Marikina River, kapag umabot na sa 16 meters ang water level sa ilog ay kinakailangan nang maghanda sa paglikas ang mga residenteng nakatira sa mga low lying areas sa tabi ng ilog.

Kung aabot ng 17 meters ang taas ng tubig, kailangan nang lumikas ang mga ito sa mga designated centers. Ngunit kapag tumaas pa ang tubig sa 18 meters ay isasagawa na ang force evacuation sa mga residente sa lugar.

Kapag tumataas ang tubig sa Marikina River, ang Tumana ang isa sa mga pinakaapektadong barangay sa lungsod. Ngunit bago pa umabot sa evacuation level ang tubig, bandang alas kwatro pa lang ng hapon kahapon ay nagsimula nang lumikas ang ilang residente sa mga itinalagang evacuation centers sa barangay.

Bandang hating gabi ay nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng 102 na pamilya, 482 na indibidwal ang sumilong sa H. Bautista Elementary School.

Kinupkop din ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ang nasa isang daang indibidwal sa Conception Integrated School, habang nakaantabay naman ang Marikina High School kung sakaling mapuno ang dalawang eskuwelahan.

Tumutulong ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council sa paglilikas sa mga apektadong residente.

Nagpalipas ng gabi ang mga residente sa evacuation centers upang makasiguro sa kanilang kaligtasan, habang nakaantabay naman sa mga evacuation centers ang ilang tauhan mula sa City Health Office, Philippine National Police, reservist ng Armed Forces of the Philippines at iba pa.

Binigyan ang mga evacuees ng pagkain ng local government units (LGU) bagaman karamihan sa mga residente ay handa na rin sa ganitong mga pangyayari at may mga sapat nang baong pagkain at gamit sa paglikas.

Ayon sa mga kawani ng barangay, pagkatapos ng trahedya na dinulot ng Bagyong Ondoy kung saan marami ang nasawi sa pag-apaw ng Marikina River, marami ng residente ang natutong sumunod sa dapat gawin sa ganitong sitwasyon.

Bandang alas onse kagabi, mula 16.3 meters na water level ng Marikina City ay bahagya itong bumaba sa 16 meters.

Bagaman pabugso-bugso na lang ang malakas na ulan ngayong umaga, nananatili pa rin ang water level ng ilog sa 16 meters.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,