Nakatakip ang mukha at hindi nagpaunlak sa interview sa media ang anak ni Janet Lim Napoles na si Jeane nang humarap ito sa unang pagkakataon sa Court of Tax Appeals.
Ayon sa abogado nito na si Atty. Stephen David, kinailangan dumalo ni Jeane sa pagdinig upang pakiusapan na bawiin ng korte ang ipinataw na Bench Warrant of Arrest sa kanya noong nakaraang linggo.
Bunsod ito ng hindi pagdalo ni Jeane sa nakatakdang arraignment sa isang count ng tax evasion sa 3rd division.
Naging mabilis lang ang naging pagdinig ng korte at tinanggap naman ang paliwanag ng akusado.
Binawi ng Court of Tax Appeals ang Bench Warrant of Arrest laban kay Jeane at hindi na rin pinagbayad ng panibagong bail bond.
Paliwanag ng abogado ni Jeane sa korte, ina-advise nila ang kanilang kliyente na huwag nang dumalo sa arraignment dahil sa kanilang mga mosyon na hindi pa nadedesisyunan ng korte.
Nanindigan naman ang kampo ni Jeane na walang basehan ang kasong tax evasion na isinampa laban sa kaniya
Setyembre ng nakaraang taon nang kasuhan si Jeane Napoles ng dalawang counts ng Tax Evasion matapos umanoy hindi magbayad ng buwis na nagkakahalaga ng mahigit 17 million pesos.
Nakilala rin ng publiko si Jeane matapos maging viral sa media ang isang video na nagpapakita ng umanoy marangyang pamumuhay nito sa Amerika.(Joyce Balancio /UNTV News)
Tags: Atty. Stephen David, Court of Tax Appeals, Janet Lim Napoles, Jeane Napoles