Sinampahan na kahapon ng kasong syndicated illegal recruitment, estafa at trafficking in person ang walong opisyal at staff ng East Trans Global Manpower Consultants Incorporated.
Ang mga ito ay naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) sa isang operasyon noong Biyernes ng hapon sa isang bahay sa Pasay City.
Dito tila ikinulong ng mga suspek ng apat na buwan ang mahigit 200 aplikante na nais na magtrabaho sa Saudi Arabia.
Ayon sa ilang biktima, hindi sila basta-basta makalabas sa naturang bahay. Stay-in umano sila habang hinihintay ang pangakong pag-alis ng mga recruiter upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ngunit ayon kay CIDG-ATCU Chief PSupt. Roque Merdegia Jr., base sa dokumentong nakuha nila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), suspendido na ang lisensya ng East Trans Global Manpower Consultants Inc., ngunit patuloy pa rin ang kanilang recruitment.
Hinihingan aniya ng hanggang 45 libong piso na processing fee ang mga biktima kapalit ng 23 libong piso na sweldo buwan-buwan bilang domestic helper sa Saudi.
Iniimbestigahan naman ng CIDG-ATCU ang pamemeke ng mga suspek sa edad ng mga aplikante dahil nakasaad sa ilang dokumentong nakuha nila na mayroong mga menor de edad sa mga ito
Nakapagtataka rin umano na lahat ng pasaporte ng aplikante sa inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) Cotabato.
Muling paalala ng CIDG-ATCU, dumaan sa mga accredited recruitment agencies kung nais na makapagtrabaho sa ibang bansa upang makaiwas sa kapahamakan.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: CIDG, human trafficking, Makati