Walo sa sampung Pilipino, satisfied sa anti-drug war ni Pangulong Duterte ayon sa huling SWS survey

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 6893

(File photo from PCOO FB Page)

Nanatiling very good ang satisfaction rate ng kampaniya ng pamahalaan kontra iligal na droga base sa survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) kahapon.

Sa katunayan, tumaas pa ito ng isang porsyento simula sa +64 na satisfaction rating noong Marso ng kasalukuyang taon.

Bagaman umabot sa +77 ang satisfaction rating ng illegal drug campaign noong Disyembre ng taong 2016 ayon sa SWS. Isinagawa ang huling survey sa isang libo at dalawang daang Pilipinong may sapat na gulang noong nakaraang Hunyo.

Lumalabas na sa bawat sampung mamamayan, walo ay nasisiyahan sa ipinatutupad na anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pinakamataas na net satisfaction ay mula sa mga taga Mindanao Region na may +84 rating habang pinakamababa naman sa Visayas na may +57 rating.

Satisfied din sa performance ni Pangulong Duterte ang 73 porsyento ng mga nasiyahan sa kampanya laban sa iligal na droga.

Samantala, tatlo sa limang Pilipino naman ang naniniwalang labag sa karapatang pantao ang pag-aresto ng mga pulis sa mga tambay. Base ito sa survey na inilabas rin ng SWS kahapon.

Noong Hunyo, ipinag-utos ng punong ehekutibo sa mga pulis na paigtingin ang pagpapatupad ng mga city ordinances lalo pa ang mga tambay o loiterer na aniya’y potensyal na panganib sa publiko.

Bunsod nito, animnapu’t walong porsyento ng mga Pilipinong may sapat na gulang ang nag-aalala sa posibleng pag-aresto sa kanila o sa mga kakilala kaugnay sa pagtambay.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,