Walang tigil na ulan, nakaapekto sa presyo ng ilang gulay sa Benguet

by Radyo La Verdad | July 24, 2018 (Tuesday) | 9844

Dahil sa sunod-sunod na mga pag-ulan, tumaas ang presyo ng gulay galing sa La Trinidad Benguet.

Bukod sa hirap sa pagbiyahe patungong trading post ang mga magsasaka, maraming gulay rin gaya ng wombok repolyo ang nabulok bunsod ng pagkakababad sa tubig.

Sampu hanggang dalawampung piso ang nadagdag sa presyo ng ilan nilang produkto gaya ng repolyo na dating mabibili sa 15-17 piso kada kilo ngunit ngayon ay nasa 35-37 piso na.

Ang patatas na dating 18-20 piso ngayon ay 25-28 piso, habang ang wombok na dating 15-17 piso ngayon, nasa 33-35 piso.

Ang bell pepper naman na nabibili dati sa halagang 80-100 piso kada kilo ngayon ay 130-150 pesos na. Halos kalahati naman ang nadagdag sa presyo ng carrots na dating 40-50 ngayon 100-110 piso na.

Dahil kakaunti ang bumibili ng brocolli at cauliflower, bumaba naman ang presyo nito

Ayon kay Sonny Candelaria na regular buyer sa trading post, halos kalahati lang daw ang buyers mula sa Maynila ang umakyat ng Benguet upang bumili ng gulay.

Si Chris na dating bumibili ng apat hanggang limang tonelada ng gulay para ibenta sa Bataan, nabawasan na raw dahil sa taas ng presyo.

Sa ngayon hindi pa rin madaanan ang Kennon Road na isa sa daan mula Baguio to Manila. Sarado rin ang Abra-Cervantes Road,  Abra-Ilocos Norte Road, Acop-Kapangan-Kibungan-Bakun Road,  Kiangan-Tinoc-Buguias Road, Kalinga-Cagayan Dumanay Section, at Mt. Province – Ilocos Sur via Kayan Road.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,