Walang tigil na buhos ng ulan, nagdulot ng landslide sa Tacloban City; 1 nasawi, 3 pinaghahanap

by Radyo La Verdad | January 15, 2018 (Monday) | 4200

Walang tigil ang pagbuhos ng ulan sa ilang bahagi ng Eastern Visayas mula pa noong Sabado.

Bunsod nito, lumambot ang lupa sa bahagi ng barangay 43-B, Congressman Mate Avenue, kaya gumuho ang lupa at natabunan ang pitong bahay sa lugar.

Nasawi sa insidente ang animnaput tatlong gulang na si Delia Carson na nadaganan umano ng gumuhong pader.

Ayon kay CDRRMC Head na si Brando Bernadas, sa pitong bahay na natabunan, dalawa lamang rito ang may tao dahil ang limang bahay ay abandonado na.

Sa ngayon ay tatlo parin aniya ang patuloy na pinaghahanap na pinangangambahang natabunan ng gumuhong lupa.

Pansamantalang itinigil kagabi ang paghahanap sa mga nawawala dahil masyado nang madilim ang paligid at patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.

Ngayong umaga ay magpapatuloy ang kanilang search ang retrieval operations.

 

 

Tags: , ,