METRO MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang naiulat na nasawi dahil sa Monkeypox na tinatawag na ngayong MPOX.
Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, walang pasyenteng nasawi sa MPOX mula sa anomang rehiyon ng bansa .
Nilinaw ito kasunod ng ulat na iniimbestigahan ng DOH sa Central Visayas ang pagkasawi ng isang 27-anyos na lalaki mula sa Negros Oriental, sa pinaghihinalaang kaso ng MPOX.
Paliwanag ni Asec. Domingo, halos magkahawig kasi ang mga butlig o sintomas ng chickenpox, shingles, herpes, at MPIX.
Kaya paalala niya na antayin ang opisyal na pahayag mula sa DOH at iwasan ang paggamit ng hindi beripikadong impormasyon.
METRO MANILA – Umakyat na sa 9 ang bilang ng mga nagpositibo sa sakit na Pertussis sa buong Caraga region mula January 1 hanggang kahapon, June 3.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula sa 5 ay naging 9 ang nagpositibo sa rehiyon sa pagpasok ng buwan ng hunyo. 7 rito ay mula sa Surigao Del Norte habang tig-1 naman sa Agusan Del Norte at Agusan Del Sur.
Samantala, nasa 7 naman ang bagong suspected cases na naitala sa rehiyon. Sa ngayon 3 na ang nasawi dahil sa sakit na Pertussis sa Caraga.
Paalala ng kagawaran sa publiko na ang nasabing sakit ay nagsisimula lamang sa mild cough at lagnat na umaabot hanggang 2 Linggo, at pag-ubo naman na umaabot hanggang 6 na Linggo kaya mas maiging magpatingin agad sa doktor kung makaranas ng mga sintomas na ito upang hindi na lumala pa.
METRO MANILA – Binalaan ni House Deputy Majority Leader at dating Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin ang publiko laban sa paggamit ng vape.
Kasunod ito ng naitalang kauna-unahang kaso ng pagkamatay sa Pilipinas dahil sa paggamit nito kung saan ang isang 22 anyos na lalaki ang nasawi matapos ang tuloy-tuloy na paggamit ng vape sa loob ng 2 taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng mambabatas na kailangan mamulat na ang lahat sa panganib ng paggamit ng naturang device lalo na sa mga kabataan dahil sa masamang epekto nito sa katawan na maaaring mauwi sa kamatayan.
Ikinababahala ni Representative Garin ang mga ulat na nagsasabing may mga kabataang edad 13 anyos ang nahuling gumagamit na ng e-cigarette at vapes kaya muli nitong binigyang-diin na hindi safe na gawing alternatibong paraan ang nasabing kagamitan para maiwasan ang paninigarilyo.
METRO MANILA – Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may pondo ang kagawaran para labanan ang bagong COVID-19 variants.
Taliwas ito sa ulat na wala umano itong nakalaang budget para makabili ng bakuna kung sakaling kailanganin sa bansa kaugnay ng bagong variants na KP.2 at KP.3 dahil may contingency fund ang ahensya.
Samantala, tiniyak naman ng DOH na hindi na mangyayari ang naranasan ng bansa nang manalasa ang COVID-19 pandemic noong 2020 hanggang 2022.
Hindi rin maituturing na mapanganib ang sitwasyon ng COVID-19 sa ngayon sa gitna ng bahagyang pagtaas ng kaso at banta ng bagong variants.