Wage increase sa NCR at Western Visayas, inaprubahan na

by Radyo La Verdad | May 16, 2022 (Monday) | 9722

METRO MANILA – Bahagyang tumaas ang minimum wage sa National Capital Region.

Nasa P570 na ang matatanggap ng mga manggagawwa sa non-agriculture sector sa isang araw habang P533 naman sa agriculture sector.

Tumaas ito ng P33 matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wage ang Productivity Board sa Metro Manila ang petisyon para itaas ang sahod sa rehiyon.

Itinaas naman mula P55 – P110 ang minimum wage sa Western Visayas.

Ngunit, ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), masyadong maliit ang inaprubahang umento sa sahod.

Ayon sa TUCP panandaliang ligaya lamang ang pagtaas ng minimum wage dahil babawiin lang din naman ito ng mga nakaambang dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Dagdag pa ng labor group, dapat nang amiyendahan ang Wage Rationalization Act of 1989 dahil mabagal ang proseso bago pa maaprubahan ang wage increase orders.

Mas maganda rin aniyang iisa na lamang ang wage board para sa buong bansa at hindi hiwalay sa bawat rehiyon.

Dapat din aniyang masiguro na nasa living wage ang sahod na matatanggap ng bawat manggagawang Pilipino lalo sa kinakaharap na krisis na pagtaas ng mga presyo.

Samantala, tiniyak naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aaprubahan na rin ang umento sa sahod para sa iba pang rehiyon.

Inaasahang ilalabas na ito sa mga susunod na araw.

Tags: , ,