Pinag-aaralan na ngayon ng wage board sa Metro Manila at ilan pang rehiyon sa bansa ang hirit ng mga labor group na taasan ang kanilang minimum wage.
Kung tutuusin ay wala pang isang taon nang huling dagdagan ang arawang kita ng mga ordinaryong manggagawa noong Oktubre 2017.
Pero ayon kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, napilitan na silang manghingi uli ng umento sa sahod dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at pagbaba ng halaga ng piso.
Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, posibleng sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo ay may mga rehiyon na na mag-aanunsyo ng wage increase.
May panukala na rin ngayon ang DOLE na P200 subsidy kada buwan para sa 4.1 milyon na minimum wage earners at naghihintay na lamang ng approval ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Posible din umanong maisama ang pag-aanunsyo nito sa State of the Nation Address (SONA) sa ika-23 ng Hulyo.
Pero ayon sa IBON Foundation, tila inamin na ng gobyerno na talagang kulang ang minimum wage ng mga manggagawa kung mamimigay ng subsidiya at sa huli ay sa tax payers pa rin naman ito manggagaling.
Sagot naman ni Bello, hindi talaga marapat ang arawang kita ng mga obrero ngayon subalit dapat din aniyang ikunsidera ang takbo ng ekonomiya sa bansa.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: ALU-TUCP, DOLE, wage increase