VP Robredo, walang na naiambag sa law enforcement ng anti-drug war ng gobyerno – PDEA Chief Aquino

by Radyo La Verdad | December 12, 2019 (Thursday) | 36604

Hindi naman nasangkot sa pagpapatupad ng anti-drug war ng pamahalaan kaya wala ring significant na pagbabago at naimbag sa law enforcement operations si Vice President Leni Robredo nang maupong co-chair ng inter-agency committee on Anti-illegal Drugs o ICAD. Ito ang inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Aaron Aquino sa Malakayang kaninang umaga, Huwebes, Dec. 12.

“She did not in any way supervise our people down there in the fields so I guess wala namang nabago o wala namang dapat glaring issues na makikita natin na talagang bumababa ang krimen o bumababa ang accomplishments natin sa drugs,” ani Aaron Aquino, Director-General, PDEA.

Tila nadismaya rin ang PDEA Chief dahil sa hindi muna hinarap ng Bise Presidente ang lahat ng clusters ng ICAD bago nakipagpulong sa mga opisyal ng United States Embassy sa Pilipinas at United Nations.

Aniya, mas mauunawaan sana ng Pangalawang Pangulo ang lawak ng suliranin ng bansa sa iligal na droga kung nakaharap muna nito ang apat na ICAD clusters: enforcement, advocacy, justice at rehabilitation and reintegration clusters. Ang enforcement cluster lang ang aniya ang na-meet ng Bise Presidente sa ilalim ng kaniyang pagiging ICAD co-chair.

“Should she meet the four clusters, mas magiging malaki yung kaniyang scope of knowledge kung ano ang drug situation ng pilipinas and maybe after meeting the 4 clusters, eh sana kung mayroon man siyang mai-implement na program or strategy to strengthen the ICAD, ‘di sana nagawa yun,” ayon pa kay Aaron Aquino, Director-General, PDEA.

Ayon naman sa kampo ni VP Robredo, hintayin na lang ang ilalabas na ulat at rekomendasyon ng Pangalawang Pangulo hinggil sa anti-drug campaign sa susunod na linggo.

Samantala, nabanggit din ng PDEA chief na nagsasagawa na ng pag-aaral ang Dangerous Drugs Board (DDB) sa kabuoang bilang ng mga drug pusher at user sa bansa.

Matatandaang unang naging direktiba ni VP Robredo nang maupo bilang anti-drug czar ang magkaroon ng baseline data ang gobyerno kaugnay ng illegal drug problem sa Pilipinas.

Inuumpisahan na ito ngayong taon at target na matapos sa 2020.

(Rosalie Coz)

Tags: , , ,