VP Robredo, wala umanong ambisyon na palitan si Pangulong Duterte sa pwesto

by Radyo La Verdad | March 21, 2017 (Tuesday) | 1511


Wala umanong ambisyon si Vice President Leni Robredo na palitan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto.

Ayon sa tagapagsalita ni VP Leni na si Georgina Hernandez, walang basehan ang mga pahayag nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Pangulong Rodrigo Duterte na nagmamadali itong maging pangulo ng bansa.

Bagama’t nirerespeto naman aniya ni VP Robredo ang pahayag ng pangulo laban sa kanya, nanindigan itong nais lang niyang tulungan ang mga nabibiktima ng umano’y extrajudicial killings sa bansa.

Handa rin aniyang harapin ng pangalawang pangulo ang planong pagsasampa ng impeachment complaint laban sa kanya.

Nilinaw naman ni Senate President Aquilino Pimentel III na hindi political stand ng partidong PDP-Laban ang planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Robredo.

Bagaman hindi pa niya napapanood ang video message ni Robredo sa UN, hindi aniya maaaring isanggalang ng bise presidente ang freedom of expression para hindi siya mapagot sa posibleng betrayal of public trust.

Salungat naman ang pananaw dito ni Liberal Party Sen. Ralph Recto. Sinabi ni Recto na maaaring maapektuhan ang ekonomiya at investments ng bansa sakaling parehong maharap sa impeachment case ang dalawang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas.

Samantala, ipinagtanggol din ng iba pang Liberal Party senators si Robredo at sinabing sakop ng kanyang prerogative bilang elective official at mamamayan ng bansa ang pagpapadala ng video message sa United Nations patungkol sa kundisyon ng bansa.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,