Nagsimulang makatanggap ng mga impormasyon si Vice President Leni Robredo na planong agawin sa kanya ang posisyon bilang bise presidente nang ipahayag niya ang pagtutolsa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay VP Robredo, mas tumibay ang kaniyang paniniwala dito matapos siyang pagbawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdalo sa lahat ng cabinet meeting.
Nakahanda naman si Robredo na ipagtanggol ang kanyang nakuhang boto sa nakalipas na halalan at hindi siya papayag na nakawin ang kanyang posisyon sa pamahalaan.
Sa inilabas namang statement ng kampo ni former Senator and Vice Presidentiable Bongbong Marcos, nakasaad na sadyang ninakaw nga ang vice presidency at ang gumawa nito ay mismong si Misis Robredo at ang partido nito.
Magugunitang natalo ni Robredo sa vice presidential race si Marcos ngunit naghain ito ng election protest sa Supreme Court na tumatayong Presidential Electoral Tribunal.
Hanggang sa ngayon ay inaabangan pa ng magkabilang kampo ang magiging desisyon ng mataas na hukuman sa naturang kaso.
(Leslie Longboen / UNTV News)
Tags: naniniwalang may binubuong hakbang upang nakawin sa kanya ang posisyon, VP Robredo