VP Robredo, naniniwalang hindi si Pangulong Duterte ang nasa likod ng mga nangyayaring EJK sa bansa

by Radyo La Verdad | March 21, 2018 (Wednesday) | 8200

Hindi apektado si Vice President Leni Robredo ng mga kritisismo laban sa kaniya.

Sa programang Get it Straight with Daniel Razon, sinabi ng bise presidente na naniniwala siyang mayroong nasa likod ng mga pambabatikos na ang nais ay mapagbagsak siya.

Ang pagiging miyembro niya ng Liberal Party ang ugat umano ng mga ito pero wala aniya siyang balak na talikuran ang partido. Sakaling sasabak uli siya sa eleksyon, tatakbo pa rin siya sa ilalim ng bandera ng Partido Liberal.

Nilinaw naman ni VP Leni na sa lahat ng kanyang mga pahayag kontra extra judicial killings ay hindi nangangahulugang laban siya sa pangulo kundi nais niyang mabago ang maling sistema.

Sakaling alukin siyang muli ng posisyon sa gabinete, handa naman daw itong tanggapin ng pangawalang pangulo, pero sa isang kundisyon.

“Kung ang bahagi noon kailangan ako sumang-ayon sa lahat ng bagay na kahit laban sa paniniwala ko, mas mabuting hindi nalang, pero kung may agreement na pwede naman ako mag-call out kung palagay ko nagkakamali, tingin ko ‘yun ang magandang part doon,” sabi ni VP Robredo.

Umaaasa ang bise presidente na makakausap niya ng masinsinan ang pangulo para pag-usapan ang ilang mahahalagang punto.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,