VP Robredo hindi umano naghahabol ng posisyon sa gabinete

by Erika Endraca | November 20, 2019 (Wednesday) | 2206

METRO MANILA – May posisyon man sa gabinete o wala, patuloy pa rin umano si Vice President Leni na magtatrabaho bilang Co-Chairperson ng Interagency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito ang ipinahayag ng Pangalawang Pangulo Kahapon (Nov. 19)  matapos tanungin ng media tungkol sa sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi miyembro ng gabinete ng president si VP Robredo.

Muling sinabi ng Pangalawang Pangulo na hindi naman aniya siya naghahabol ng posisyon kundi ang makatulong sa anti-illegal drug campaign ng pamahalaan.

Nakipag pulong din kahapon si VP Robredo sa mga opisyal ng Department Of The Interior And Local Government (DILG) hinggil sa mga programang ipinatutupad ng ahensya sa drug war ng bansa.

Inilapit din ng Pangalawang Pangulo sa dilg ang kahalagahan ng capacity building at pag pondo sa Anti-Drug Abuse Council (ADAC) para sa kampanya ng pamahalaan lalo na sa community rehabilitation program.

Sa 2 Linggong pakikipagpulong ni VP Robredo sa mga ahensyang kasapi ng ICAD, nais umano niyang paigtingin ang pagtutulungan ng mga ahensya para sa mas epektibong drug war.

Sinabi rin ng pangalawang pangulo na kailangan din ang pakikipagtulungan sa ibang bansa. Aniya, batay sa mga ulat, ito ay dahil sa ang supply ng droga ay transnational o mula sa iba’t-ibang bansa.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,