VP Robredo hindi pa obligadong dumalo ng cabinet meeting – Sec. Panelo

by Erika Endraca | November 15, 2019 (Friday) | 1389
PHOTO (C) : Vice President Leni Robredo

METRO MANILA – Kinumpirma ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na wala pang imbitasyong ipinapadala ang Malacañang para dumalo sa cabinet meeting si Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Panelo, iimbitahan lamang ang Pangalawang Pangulo kung pag-uusapan sa pulong ang isyu sa iligal na droga.

Aniya dapat pang magpasalamat ang Bise Presidente na hindi pa ito required sa pagpupulong ng gabinete lalo na’t laging inaabot ng madaling araw ang meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa nito, opsyonal sa mga miyembro ng gabinete ang pagdalo ng pagpupulong. Ito ay lalo na’t kung di naman aniya mapapag-usapan ang isyung kaugnay ng ahensyang pinamumunuan.

Nilinaw naman ng palace official na maaaring magbigay ng kaniyang panig ang Bise Presidente sa anomang isyung mapag-uusapan sa meeting sa pamamagitan ng pagpapadala ng statement o comment nito.

Samantala, di muna matutuloy at ipagpapaliban muna ang nakatakdang pakikipag-usap ng Punong Ehekutibo sa mga magsasaka sa North Cotabato Bukas (Nov. 16).

Sa halip, dadalaw ang Punong Ehekutibo sa burol ng 6 na sundalong nasawi at 20 nasugatan dahil sa pag-atake ng rebeldeng New People’s Army sa Eastern Samar.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: