VP Robredo, gusto lang ng spotlight – Malacañang

by Radyo La Verdad | December 17, 2019 (Tuesday) | 21095

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na gusto lang ni Vice President Leni Robredo ng spotlight nang magsagawa ito ng press briefing kahapon para sana ianunsyo ang kaniyang sinasabing rebelasyon at rekomendasyon sa anti-drug war ng gobyerno.

Gayunman, ipinagpaliban muna ito ng Bise Presidente dahil sa nangyaring malakas na lindol sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Kahapon, kinwestyon ni Secretary Panelo ang pagkabinbin sa sinasabing rebelasyon at bumwelta naman ang kampo ng Pangalawang Pangulo at sinabing walang malasakit ang palace official sa taumbayan dahil pinipili pa aniyang malaman nito ang ulat at rekomendasyon ng Bise Presidente pagkatapos ng nangyaring lindol noong Linggo ng hapon.

Ayon naman kay Secretary Panelo, sa ginawang muling pagpapaliban ni VP Robredo, gusto lang nito ng spotlight at umaasa umanong makukuha ang atensyon ng taumbayan.

Binigyang-diin din ng opisyal, na kahit magsalita ang pangalawang Pangulo laban sa anti-drug war, hindi titigil ang pamahalaan sa pagtulong nito sa mga naapektuhan ng lindol.

(Rosalie Coz)

Tags: , , ,